Banggaan ng bus at tricycle sa Davao, 2 patay

Berchan Louie Anchay, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 01:45 AM

Sumalpok sa kasalubong na bus ang isang tricycle na ikinamatay ng driver at pasahero nito sa Davao City. Larawan mula sa Calinan Police Station

DAVAO CITY – Dalawa ang nasawi sa aksidenteng naganap noong Sabado ng hapon na kinasangkutan ng isang tricycle at pampasaherong bus sa Barangay Riverside, Calinan sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Isagani Lucas, driver ng tricycle, at pasahero nitong si Roy Camasura.

Sa kuha ng dashcam ng Rural Transit Bus, makikitang nag-overshoot sa kabilang lane at bumangga sa kanila ang tricycle.

Dahil sa kuha ng dashcam, pinalaya ng Calinan Police ang driver ng bus na si Arnold Pisana na ikinulong matapos na iturong may kasalanan sa aksidente.

“Sa dashcam, lumalabas na ang tricycle ang pumasok sa lane sa bus kaya siya nasagi ng bus na papunta ng Davao,” paliwanag ni Chief Inspector Arquiomedes Crosby Wesley.

Panawagan ng awtoridad sa mga tricycle driver na bumibiyahe sa national highway na sumunod sa batas upang hindi madisgrasya.

Nangako naman ang kumpanya ng bus na tutulangan ang pamilya ng dalawang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.