ALAMIN: Itinakdang SRP ng iba't ibang uri ng bigas sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 04:42 PM | Updated as of Oct 23 2018 08:01 PM

Watch more in iWantTFC

Magiging epektibo na ang pagpataw ng suggested retail price (SRP) sa mga bigas sa merkado simula Sabado, Oktubre 27 sa Metro Manila, ayon sa Department of Agriculture (DA). 

Itinakda sanang gawin nitong Martes ang pagpapatupad ng SRP ngunit nakiusap daw ang mga stakeholder sa DA para bigyan sila ng oras na maayos ang mga signage ng mga bagong presyo. 

Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na hindi dapat aakyat sa P43 kada kilo ang magiging presyo ng imported "Premium" rice na P47 kada kilo ngayon sa merkado. 

Hindi naman aakyat sa P39 kada kilo ang benta sa mga imported "Well-Milled" rice na 25 porsiyentong broken o may kaunting durog. 

Ang mga lokal na bigas naman tulad ng "Regular-Milled" ay ibebenta ng P39 kada kilo. Ibebenta ang lokal na "Well-Milled" sa P44 kada kilo habang 'di naman lalagpas ng P47 kada kilo ang magiging presyo ng lokal na "Premium Rice." 

Pero ayon sa DA, hindi anila papatawan ng SRP ang mga special rice tulad ng Cordillera Heirloom Rice, Organic Brown, Red at Black Rice, real Dinorado, Milagrosa, Jasponica, Doña Maria, Hinumay, Malido, Kamoros, at Malagkit bilang tulong umano sa mga lokal na magsasaka.

"Yung special rice kasi for example na Cordillera they only harvest once a year. It's a special rice variety," paliwanag ni Piñol. 

Nauna nang binanggit ng DA ang pagtanggal ng mga pangalan ng bigas gaya ng "Sinandomeng," "Super Angelica," at "Yummy Rice."

Sa halip, Regular-Milled, Well-Milled, Premium, at Special Rice na lamang ang itatawag sa mga ito. 

Sa susunod na linggo, pag-uusapan ng DA at ng mga stakeholder ang mga SRP ng bigas sa mga supermarket at mga rehiyon. 

-- May ulat ni Zhander Cayabyab at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.