Abby Binay sa ate na si Nancy: 'Di kami close'

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 05:32 PM

Makati Mayor at re-electionist Abby Binay and Senador Nancy Binay. File

Idinetalye ni incumbent Makati Mayor at re-electionist Abby Binay ang umano'y hindi niya pagiging malapit sa kanilang pamilya. 

Ani Abby sa isang press conference, mag-iilang taon na rin daw silang may "personal difference" ng ate niyang si Senador Nancy Binay. 

"Kung [tinatanong niyo if] affected 'yung relationship mula sa dati, I feel like there's really not much of a difference...Personal differences nga," rebelasyon ni Abby.

Ayon pa kay Abby, ito ang dahilan kaya hindi na siya nagulat na mas pinili ni Nancy na samahan ang katunggali niyang kapatid na si Junjun Binay sa pag-file nito ng certificate of candidacy (COC). 

"Kasi naman hindi naman talaga kami close so hindi na ko nagulat [na pinili niya si Junjun]," ani Abby.

Nakatakdang magbanggaan ang magkapatid na Abby at Junjun sa pagkaalkalde ng Makati sa halalan sa 2019 matapos mabigong magkasundo kung sino sa kanila ang tatakbo.

'Independent'

Pagbabahagi pa ni Abby, nag-umpisa daw siyang maging independent sa pamilya nang mag-kolehiyo sa UP Los Baños kung saan siya natutong mamuhay nang mag-isa. 

Hindi na rin daw siya bumalik sa kanilang bahay nung mag-aral ng abogasya.

"Kaya siguro iba ako dahil sila tumira sa bahay until they got married and had their families," paliwanag ni Abby.

Pero inamin din ni Abby na mahirap ang pinagdadaanan niya dahil kadugo ang kaniyang kalaban. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.