2 pulis na 'tumapik' sa side mirror ng taxi, iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 07:39 PM | Updated as of Sep 16 2019 01:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaiimbestigahan na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang police escort na nakuhanan sa viral dash cam video na namalo at nakasira ng side mirror ng isang taxi sa Pasay City noong Oktubre 19. 

Sa viral video ng taxi operator at drayber na si Joseph Barreno makikitang dahan-dahang siyang tumatabi malapit sa isang gate sa may Andrews Avenue nang sumenyas at gumamit ng sirena ang dalawang pulis na nag-e-escort sa isang negosyante. 

Nabigla na lamang siya nang paluin ng isang nakamotorsiklong pulis ang kaniyang side mirror, na nagdulot ng pagkasira nito. Bago pumasok sa gate ang convoy, sinubukan pang kausapin ni Barreno ang mga pulis, pero agad na umalis ang mga ito. 

Matapos ang insidente in-upload ni Barreno sa Facebook ang dash cam video. 

Nang mapanood ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang video, agad niyang pinahanap ang mga pulis na sina Police Officer 2 Ralp Tumanguil na nakatalaga sa NCRPO, at Jay Templonuevo, na nakatalaga sa Parañaque police. 

Paliwanag ni Tumanguil na hindi niya napansing nasira ang side mirror ng sasakyan nang i-tap niya umano ang side mirror ng taxi. 

"Tinap ko lang po 'yung side mirror, para ma-flag down kasi papasok na po kami sa gate... Hindi ko po napansin na nasira na pala siya," aniya sa press conference ng NCRPO noong Martes, Oktubre 23. 

Napag-alaman ding naka-off duty ang mga pulis at hindi umano nagpaalam ang mga pulis sa pag-escort.

Bukod sa dalawang pulis, pinaiimbestigahan na rin ng Highway Patrol Group ang ilang pulis na napag-alamang suma-sideline bilang mga police escort dahil ipinagbabawal ito. 

"'Yung mga travel agency very enterprising, isinasama nila sa package na may kasamang motorcycle police 'yung mga turistang pupunta... Hindi natin pinapayagan ito," ayon kay HPG Director Roberto Fajardo. 

Humingi ng paumanhin ang dalawang pulis sa insidente. 

Ayon kay Eleazar, iniharap na sa mga kasong administratibo ang dalawang pulis, kabilang ang unauthorized escorting kung saan maaari silang masuspende ng mula 1 hanggang 2 buwan. 

Pinag-iisipan naman ni Barreno kung sasampahan niya ng kaso ang mga pulis. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.