10 pangolin, nasagip sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 03:29 PM | Updated as of Oct 23 2018 04:02 PM

Buhay na nasagip ng awtoridad ang 10 balintong o Pangolin mula sa isang residente sa Barangay Liminangcong, bayan ng Taytay sa Palawan. Larawan mula sa Palawan Council for Sustainable Development.

TAYTAY, Palawan – Sampung balintong o pangolin ang nasagip mula sa isang residente ng Barangay Liminangcong sa bayang ito noong Biyernes.

Ikinasa ang operasyon matapos na iparating ng City Environment and Natural Resources sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang impormasyong tungkol sa ilegal na pangongolekta ng pangolin ng residenteng si Danilo Demular.

Sinubukan pang isilid sa drum at itago sa gitna ng gubat ang mga buhay ilang na nabibilang sa critically endangered species.

Matapos na masukat, maimbentaryo at tingnan ang kondisyon ng mga balintong ay agad din itong pinakawalan sa natural nilang tahanan.

Mahalaga umanong mapreserba ang mga balintong dahil kasama sila sa nagbabalanse ng kalikasan.

Mahirap nga lang daw supilin ang ilegal na pangongolekta at bentahan nito dahil sa mahal na presyo. Umaabot ng P6,000 pataas ang presyuhan ng karne at mahigit P12,000 ang mga kaliskis na pinaniniwalaang mabisang traditional Chinese medicine.

Malaki ang maitutulong ng mga mamamayan para maprotektahan ang mga balintong, ayon sa awtoridad.

Haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Act si Demular na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.