TINGNAN: Diaper na sumabit sa kable ng MRT, nagpahinto ng biyahe

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 02:21 PM | Updated as of Oct 23 2017 09:46 PM

Nagambala ang operasyon ng MRT-3 nitong umaga ng Lunes dahil sa pagsabit ng isang adult diaper sa kawad ng kuryente ng riles.

Bandang alas-6 ng umaga nang bawasan ang mga biyahe ng MRT dahil sa diaper na sumabit sa kawad sa pagitan ng mga istasyon ng Ayala at Buendia.

Tumigil ang mga biyahe sa pagitan ng Taft Avenue at Boni Avenue Station. Bandang alas-7:30 ng umaga nang maibalik sa normal ang operasyon.

Hinala ng pamunuan ng MRT, may nagtapon ng diaper. Subalit hindi ito matukoy dahil hindi hagip ng CCTV.

Muling nagkaroon ng aberya ang MRT alas-8 ng umaga dahil sa sirang pintuan ng isang tren.

Nangyari ang insidente sa southbound na linya ng istasyon ng Shaw Boulevard.

Napilitan tuloy pababain ang mga pasahero.

Agad namang inalis sa riles ang tren na may sirang pinto upang maibalik sa normal ang operasyon.

Dahil sa mga aberya, naantala ang biyahe ng mga pasaherong nagkukumahog makasakay ng MRT kaninang rush hour.

Ang pila ng mga pasahero sa istasyon ng Quezon Avenue southbound, umabot na sa kalsada ng Mother Ignacia at Sgt. Esguerra.

Dating kalihim, inireklamo

Samantala, nagsampa ng reklamo ang Department of Transportation (DOTr) laban sa dating kalihim ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na si Joseph Emilio Abaya, ilan pang dating opisyal ng ahensiya, at ang kompanyang Busan Universal Rail Inc. (BURI).

Kaugnay ito sa umano'y maanomalyang pagpili ng DOTC sa BURI bilang maintenance service provider o kompanyang magpapanitili ng kaayusan ng serbisyo ng MRT.

Ayon sa 29 pahinang reklamo inihain sa Office of the Ombudsman, kahina-hinala ang pagkakabigay ng kontrata sa BURI. 

Iba kasi ang pangalan ng kompanyang nagpapatupad ng maintenance service.

Matapos maibigay sa Busan joint venture ang kontrata ay bumuo umano ito ng bagong kompanya, ang BURI, na siyang nagpatupad ng proyekto.

Labag umano ito sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Maliban kay Abaya, nasa higit 30 katao ang sinampahan ng reklamo. Kabilang dito sina dating Undersecretary for Operations Edwin Lopez, dating Undersecretary of Planning Rene Limcaoco, at dating MRT General Manager Roman Buenafe.

Pinag-aaralan ng DOTr ang pagsampa ng karagdadagang reklamo dahil naman sa pagkukulang ng BURI bilang maintenance provider.

Patuloy at sunod-sunod daw kasi ang aberyang nararanasan ng MRT kada araw.

Titingnan ngayon ng Ombudsman kung may sapat na basehan ang mga reklamo.

-- Ulat nina Lyza Aquino, Joyce Balancio, Zhander Cayabyab, Jacque Manabat at Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.