'Tapang at Malasakit', hindi pantapat sa 'Tindig Pilipinas': Sara Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 09:12 PM

Inilunsad ng mga tagasuporta ni Pangulong Duterte ang isang alyansang layong himukin ang lahat na magkaisa, isantabi ang pulitika, at suportahan ang pangakong pagbabago ng Pangulo.

Pinangunahan ng anak ng Pangulo at Davao City Mayor Sara Duterte ang pagtitipon ng grupong "Tapang at Malasakit".

"Our President is human, very very imperfect, but he is a wrangler, and we only have six years to take advantage of that warrior spirit. Siya ang gagamitin natin to create a better future for our country," ani Sara.

Itinanggi ni Sara na pantapat ang kanilang grupo sa "Tindig Pilipinas" na binuo laban sa extrajudicial killings at iba pang isyu ng Duterte administration.

"In fact, we are asking them to join us... let us turn this country around and do everything for the Philippines," ani Sara. 

Hindi rin layon ng grupong maisalba ang nababawasang survey ratings ng Pangulo, ayon sa isang opisyal ng gobyerno.

"The trajectory is still upwards... it's simply a question of consolidating the energy of the people," ani Presidential Spokesperson Ernesto Abella

Higit sa lahat, walang kinalaman ang Malacañang dito, ayon sa isa pang opisyal na umanib sa grupo.

"Kaniya-kaniya talagang gastos, wala kaming hiningian, wala ring ibinayad dito ang government, walang taxpayers' money," ani Department of Transportation Undersecretary Karen Jimeno na kasapi rin ng grupo.

Pero tingin ng ilang political analyst, lalo lang mahahati ang mga Pilipino, at mukhang paghahanda na rin ito para sa 2019 elections.

"That's always a possibility... ang hirap din whether it's going to be for the long term or it's just going to be for the coming elections," ani Prof. Jean Franco, isang political analyst.

"Siguro maaga pa 'yong loyalty check, ngunit parang ipinapakita lang nito, mukhang iniimbita na kayong pumanig," ani Prof. Aries Arugay, isa ring political analyst.

Pero nilinaw ni Sara, sa ngayon, wala siyang planong tumakbong senador, kundi pagiging kongresista sa kaniyang distrito ang binabalak niya.-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.