Pagkasilaw sa flashlight, nauwi sa saksakan

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 11:26 PM

ILOCOS NORTE - Arestado ang isang lalaki matapos saksakin ang isa pang lalaking nakaalitan nito dahil sa pagkasilaw sa flashlight sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ang suspek na si Zaldy Salem, 25 taong gulang at residente ng Banna, Ilocos Norte.

Ayon sa kanya, naglalakad siya Linggo ng gabi sa bayan ng Banna nang nailawan niya ng flashlight ang mukha ni Rommel Agpalasin, na noon ay nagmamaneho ng motorsiklo.

Ikinainis ni Agpalasin ang nangyari at nauwi ito sa alitan.

"Anong gusto mo? Sabi niya sa akin, ikaw ano? Sabi ko, tapos nagsuntukan na kami, hanggang sasaksakin sana niya ako, naagaw ko kaya nasaksak ko siya," ani Salem.

Ayon sa pulisya, madaling nag-init ang ulo ng dalawa dahil sa sobrang kalasingan.

"Nainis ang biktima dahil nasilawan siya, actually mag-kamag anak ang dalawa, nangyari lang dahil sa kalasingan," ani Inspector Artemio Clemente.

Nagpapagaling sa ospital si Agpalasin. Haharapin naman ni Salem ang kasong frustrated murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.