Duterte, nanawagan para labanan ang terorismo

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 01:09 AM

BACOLOD CITY - Ngayong tapos na ang gulo sa Marawi City, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanan na magtulungan para labanan ang terorismo.

Ayon kay Duterte, hindi ligtas ang lahat ng bansa sa mundo sa problema ng terorismo, gaya ng dala ng grupong ISIS.

Dahil dito, nanawagan siya sa publiko na magtulungan at maging mapagmasid sa kanilang kapaligiran upang hindi na maulit ang nangyaring paglusob sa Marawi City.

Dapat rin umanong magtulungan ang publiko at ang gobyerno para mapanatiling ligtas ang bansa laban sa terorismo.

Pinasalamatan ni Duterte ang mga sundalo at pulis na sumabak sa digmaan sa Marawi at nararapat umano silang bigyan ng parangal sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga bayan.

Nanawagan rin ang Pangulo sa mga miyembro ng New People's Army na tigilan na ang pagpatay sa mga pulis at sundalo na kapwa rin nilang mga Pilipino.

Ayon kay Duterte, umaabot na sa 50 taon ang digmaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde. Makabubuti umano na wakasan na ng mga rebelde ang patayan para maka-uwi na sila sa kanilang mga pamilya na matagal na nilang hindi nakikita.

Muli ring pinasaringan ni Duterte ang mga human rights advocates na nag-aakusa sa kanyang administrasyon ng extra-judicial killings. Imbes umano na magbilang ng mga taong namamatay dahil sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, mas nararapat umano na tanungin muna kung bakit pinatay ang mga ito.

Ipinagtanggol ni Duterte ang mga pulis na gumagawa lang umano ng kanilang trabaho kaya't namamatay ang mga nanlalaban na drug addict.

Pinayuhan rin ni Duterte na huwag na lang labanan ang mga pulis at sumuko na lamang. Kung may reklamo umano sila ay maaring sampahan ng kaso ang pulis.

Ayon pa kay Duterte, hindi niya pinapansin ang mababang ratings dahil ginagawa lang niya ang kanyang trabaho.

Samantala, pinuri ng pangulo ang MassKara Festival ng Bacolod City dahil nagpapaalala ito sa maraming tao na kailangan pa ring ngumiti at ipagpatuloy ang kasiyahan sa buhay sa gitna ng maraming mga problema na hinaharap ngayon ng bansa.

Ito na ang ikalawang beses na dumalo sa pagdiriwang ang Pangulo dahil gusto niyang makapanood ng sikat na MassKara Street and Arena Dance Competition.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.