5, kabilang ang isang buntis, patay sa engkuwentro sa Cavite City

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 03:15 PM | Updated as of Oct 23 2017 04:58 PM

MAYNILA (UPDATED) - Patay ang 5 hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group sa engkuwentro sa Cavite City, Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang mga namatay na sina Airon Cruz, 28, kapatid nitong si Arcy-Niño, 30, at kinakasama nitong si Charlie Jean Du, 15, at 3 buwang buntis.

Kasama rin sa mga napatay ang isang Jeff, kaibigan umano nina Cruz, at isang Jack, kasambahay ng pamilya. Nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ni Cruz.

Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng ulat na nagpapaputok ang grupo ng isang Airon Cruz sa De Guzman Street, Barangay 30 bandang alas-3:00 ng madaling araw.

Sa pagresponde ng pulisya, agad umano silang pinutukan ng grupo at nagsimula na ang engkuwentro. Patay sa barilan ang 5 pero may 2 hanggang 3 pa ang nakatakas, ayon sa mga pulis.

Responsable umano ang grupo sa serye ng pagpatay sa lungsod, ayon sa pulisya. Kinakanlong din umano ng ilang lokal na politiko ang naturang grupo na isinasangkot din sa ilegal na droga. 

Matatandaang noong Setyembre isang Airon Cruz ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang tricycle driver na asset umano ng pulis. Naaresto na siya noon subalit nakapagpiyansa.--Ulat ni Dominic Almelor at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.