5 'gun-for-hire', patay sa engkuwentro sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 06:48 PM | Updated as of Oct 23 2017 09:33 PM

Limang hinihinalang miyembro ng isang kilalang "gun-for-hire" group, kabilang ang isang babae, ang patay matapos maka-engkuwentro ang pulisya sa Cavite City nitong Lunes ng madaling araw.

Patay ang pinuno ng pangkat na si Airon Cruz, ang kaniyang live-in partner na si Charlie Du, kapatid na si Arcy Niño Cruz at dalawa pang kasabwat na kinilala sa mga alyas na "Jeff" at "Jack".

Ayon sa pulisya, rumesponde sila sa lugar matapos makatanggap ng ulat na nagpapaputok ng baril sina Airon.

Nauwi sa engkuwentro ang mga pangyayari nang agad paputukan ng grupo nina Airon ang mga pulis pagkarating nila.

"Minasaker na nila! Wala naman silang pinakitang papel sa akin kung anong kasalanan ng anak ko," ani Nancy Cruz, ina ng suspek.

Nakuha sa mga napatay ang dalawang baril at dalawang granada.

Matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad si Airon, na wanted umano sa iba't ibang kaso.

Nilinaw ni Supt. Vanni Martinez, pinuno ng kapulisan sa siyudad, wala silang personal na galit kay Airon. 

Si Airon ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Rubylita Garcia, presidente ng Cavite Press Corps, noong 2014.

Noong Setyembre 16 lamang, pinatay umano ni Airon ang tricycle driver na si Raniel Mendoza na nakuhanan ng CCTV.

Nang isumbong sa pulis sa Airon, agad siyang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group.

Pero nakapagpiyansa ito kaya nakalaya.

Umaasa ang pulisya na sa pagkakalansag sa grupo, bababa ang mga kaso ng "gun-for-hire" sa Cavite City.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.