4 sugatan sa pagsabog sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 10:20 PM

GENERAL SANTOS CITY - Apat ang bahagyang nasugatan matapos sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa gilid ng kalsada sa harap ng isang videoke house sa Lower Acharon, Barangay Calumpang, General Santos City Linggo ng gabi.

Kwento ng isang biktima, naglalaro siya gamit ang kanyang cellphone nang biglang may sumabog.

Nagpapasalamat siya na hindi siya lubhang napuruhan dahil nakaharang ang isang tricycle.

Wala daw napansing kaduda-dudang tao sa lugar bago mangyari ang pagsabog.

Bukod sa isang biktimang tumangging pangalanan, bahagya ring nasugatan sina Alvin Gonato, Joenie Penuela Jr., at Mervin Cabangan.

Umaasa naman ang ilang residente na hindi ito terror attack katulad ng nangyari sa Marawi City.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng pagpapasabog.

Umaapela din sila sa publiko na makipag-ugnayan sa mga otoridad kung may alam sila sa nangyaring pagsabog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.