2 barangay sa Aparri, binaha dahil sa storm surge

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 05:15 PM

Binaha ang 2 barangay sa Aparri dahil sa storm surge o biglaang pagtaas ng alon dulot ng Bagyong Paolo. PLGU Cagayan

APARRI, Cagayan — Binaha ang 2 barangay sa bayang ito dahil sa storm surge o biglaang pagtaas ng alon, dulot ng Bagyong Paolo.

Gabi nitong Sabado nang magsimulang pasukin ng tubig ang mga bahay sa tabing-dagat na mga barangay ng Punta at Bisagu, ayon sa Provincial Information Office.

Sanhi umano nito ay matataas na alon o storm surge na sinabayan pa ng high tide.

Napilitang lumikas ang nasa 122 na mga pamilya mula Barangay Bisagu at 199 namang pamilya mula Barangay Punta.

Ikinasa naman ang paglalagay ng sand bag para mapigilan ang muling pagpasok ng tubig sakaling magkaroon muli ng daluyong. Patuloy ding inaalam kung may mga napinsala ng pagbaha.

Namahagi na rin ang lokal na pamahalaan ng relief goods sa mga apektadong residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.