2 arestado sa pagkolekta ng perang kunwari'y para sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 11:30 PM

Nahuli ng pulis sa Makati City ang dalawang suspek na umano'y nagpapanggap bilang tauhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ito'y upang makapangalap sila ng perang kunwari'y ibibigay nila sa mga biktima ng sigalot sa Marawi City.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Ricardo Simbulan at Mitus Sampayan.

Ang isa sa kanila'y nagpakilala pa bilang si DILG office-in-charge Catalino Cuy at nanghingi ng kalahating milyong donasyon mula sa isang regional director ng DILG. 

Nagbabala naman si Cuy na huwag magpaloko ang publiko sa mga nagpapakilalang tauhan ng DILG dahil hindi sa ganitong paraan sila nangangalap ng donasyon para sa Marawi.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.