13 menor de edad, arestado sa umano'y panloloob sa eskwelahan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 05:05 PM

PANGASINAN - Arestado ang 13 lalaking menor de edad dahil sa umano'y panloloob nila sa isang high school sa Barangay Inerangan sa Alaminos City, Pangasinan Sabado ng madaling araw.

Unang nadampot ng otoridad ang isang 17 taong gulang na umano'y hindi alam kung saan siya pupunta. Kinalaunan ay itinuro rin niya ang mga kasamahan nito.

Umabot sa 13 ang mga nahuli. Labindalawa sa kanila ay nasa edad 14, 15, 17 at 18.

Sila rin umano ang responsable sa ilang pagnanakaw sa mga eskwelahan at tindahan sa lugar nitong Setyembre at Oktubre.

Nabawi mula sa grupo ang mga liyabe, laptop, headseat, mouse at computer keyboard.

Gumamit rin umano ng wrench ang grupo para baklasin ang kandado.

Ayon sa grupo, natutunan ng isa sa kanila ang paggamit ng wrench para baklasin ang kandado sa bidyo na napanood sa internet.

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang kasamahan nilang 18 taong gulang na maaaring harapin ang kasong robbery at malicious mischief.

Bagama't napalaya na ang 12 menor de edad, binabalak na ipatawag ang mga ito para sumailalim sa in-house diversionary program ng lokal na pamahalaan para higit pa silang matutukan at maiwasang maulit ang maling gawain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.