S.Korea space rocket debris maaaring banta sa eastern seaboard ng bansa— BFAR

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2021 01:37 PM

MAYNILA— Pinag-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga nakatira sa baybaying dagat sa eastern seaboard ng bansa sa posibleng debris mula sa rocket launch ng South Korea noong Huwebes.

“Gaya ng nabanggit sa public advisory, kinakailangang mag-ingat at magmatyag ang ating mga mangingisda at mga residente sa mga baybaying komunidad malapit sa drop zone sa posibleng banta ng rocket launch na maaaring mapadpad sa kanilang lugar ilang araw, linggo, o buwan mula ngayon,” pahayag ni BFAR Director Eduardo Gongona.

Nauna nang nagpalabas ang BFAR ng advisory matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Philippine Space Agency (PhilSA) tungkol sa takdang pagpapapalipad ng space rocket "NURI" ng Korea Aerospace Research Institute.
 
“Ang launch na ito ay may banta ng falling rocket debris sa mga bangka, barko, aircraft at iba pang sasakyang dumaraan sa natukoy na drop zone,” sabi ni Gongona.

Sa panayam sa TeleRadyo nitong Biyernes, sinabi ni Gongona na ang mga drop zone ay 730 kilometro mula sa Sta. Ana sa Cagayan at 383 kms naman mula sa Tandag, Surigao del Sur na parehong nakapaloob sa territorial waters ng bansa.

“Malayo po siya pero pwedeng magbanta kung may dumaraang bangka doon, fishing vessels, mga barko, mga aircraft na dadaan doon. Upang masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda kahit na malayo po siya, agad na naglabas ng public advisory ang DA-BFAR upang abisuhan sila na iwasan muna ang mga natukoy na katubigan sa Oct. 21 mula 2 o’clock ng hapon hanggang 6:30 p.m.,” sabi niya.

Tiniyak din ni Gongona na ang drop zones ay malayo sa mga pangisndaan sa eastern seaboard. Maliban aniya sa drop zones na tinukoy ng PhilSA, ligtas naman ang makapangisda depende na lamang sa magiging lagay ng panahon.

Watch more on iWantTFC