PatrolPH

Batangas Port naghahanda na sa dagsa ng mga tao sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2021 08:37 PM

Watch more on iWantTFC

Naghahanda na ang Batangas Port sa inaasahang pagdami ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsiya sa Undas. 

Nasa 10,000 pasahero ang inaasahan ng Batangas Port pagdating ng Undas. 

Ayon kay Batangas Port Manager Joselito Sinocruz, bagama't sarado ang mga sementeryo sa Undas ay natapat naman ito sa long weekend kaya inaasahan na nilang marami ang magsisiuwian lalo't nagluwag na ng quarantine classifications ang Metro Manila at mga probinsiya. 

Higit 3,000 pasahero kada araw na ang naitatala sa Batangas Port kung noon ay nasa 100 hanggang 200 lang. 

Bukod sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at Romblon, nagbukas din sila ng bagong ruta pa-Roxas City sa Capiz, Cebu, Iloilo, Bacolod, Caticlan, at Masbate. 

Magbubukas na rin ang port sa Puerto Galera kaya inaasahang aabot sa 10,000 ang mga pasahero. 

Gagawin ding 24/7 ang operasyon ng Malasakit Help Desk at maglalagay na rin ng quick reaction desk na may kasamang pulis ang Department of Transportation. 

S-Pass lang ang hahanapin sa Batangas Port sa mga pasahero at depende na sa mga lokal na pamahalaan kung magre-require ng vaccination card at RT-PCR test.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.