PatrolPH

Nasa 70 puno puputulin sa Silang, Cavite para sa road widening project

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2021 02:48 PM

CAVITE—Halos 70 puno ang pinayagang putulin sa bayan ng Silang para sa isasagawang road widening project ng Department of Public Works and Highways.

Sa tree cutting permit mula sa Provincial Environment and Natural Resources Office, binigyan ng pahintulot ang DPWH-Cavite 3rd Engineering Office na putulin ang 68 puno na maapektuhan at magiging sagabal sa konstruksyon sa kahabaan ng Silang Bypass Road.

Isang online signature campaign na ang inilunsad para tutulan ang pagputol sa mga puno.

“With the urgent calls for action to combat climate change, why is our government not heeding the call? And why do they always focus on giving priority to the minority of Filipinos who owns a car?” saad sa petisyon sa Change.org.

Ayon kay Silang Mayor Corie Poblete, sinimulan na ang pagputol noong nakaraang linggo.

Maging siya aniya ay tutol na putulin ang mga puno ngunit maaari umanong magdulot ng aksidente sa daan ang mga malalaking ugat at sanga nito.

“Ako rin po ay nalulungkot dahil unti-unting nababawasan ang mga puno sa ating kapaligiran na sumisimbulo ng pagiging ‘Garden Capital of the South’ ng ating bayan,” ani Poblete.

Dagdag niya, “Tayo po ay sumangguni muna sa ilang mga legal na polisiya at pinagaralan subalit nakakalungkot na gustohin man nating huwag magputol ang puno ay lubhang nakakabahala na rin ang pagkasira ng mga daan dahil sa malalaking ugat nito, mga aksidente, at maging ang mga sangang nakaharang sa daan.”

Nilinaw naman ng PENRO na may umiiral na memorandum order kung saan inaatasan ang permittee na palitan ng 100 seedlings ang kada punong puputulin.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.