Seafarer na biktima ng pagsabog sa Lebanon, umapela ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 05:21 PM

MAYNILA— Umaapela ng tulong ang pamilya ng isang seafarer na naging isa sa mga biktima ng pagsabog na naganap sa Beirut, Lebanon noong buwan ng Agosto.

Nasabugan at nagtamo ng pinsala sa mukha at paa si Michael Villanueva. 

Nakauwi na siya sa Pilipinas at sumailalim sa ilang operasyon pero nananatili pa rin siya sa ospital. May isa pang operasyon ang nakatakdang gawin sa buwan na ito.

Bagama't inako ng kaniyang ahensiya ang pagpapagamot sa kaniya, kailangan pa rin nilang magkaroon ng panggastos para sa pamilya.

Watch more on iWantTFC

Hiling niya at ng asawang si Juvy na sana maibigay na ang basic pay ng asawa ng ilang buwan dahil hirap sa ngayon ang kanilang pamilya lalo na’t si Michael lamang ang kanilang bread winner.

“Sana 'yung basic [pay] ng asawa ko para may pangtustos kami sa pang araw-araw sir,” pahayag ng asawa ni Villanueva na si Juvy.

Nangako naman ang G&L Ship Management Inc., ang kaniyang agency sa Pilipinas, na makikipag-ugnayan sa kaniyang principal sa Lebanon para ma-irelease na ang kaniyang sahod.

Sabi ni Evangeline del Rosario, crewing manager ng agency, wala silang pang-abono ngayon dahil maging ang kompanya nila ay apektado ng pandemya.

“Sa totoo lang, hirap din kami sa office. Halos wala na rin kaming funds. 'Yung principal din namin hindi nakakapagpadala ng bayad para sa crew,” sabi ni Del Rosario sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga.

Paliwanag ni Del Rosairio na dadalawa na lang ang kanilang active principal at delayed pa ang pagbabayad ng mga ito sa kanilang mga crew.
 
“Actually, 'yung principal, employer ni Michael, since February po kasi hindi pa sila nagpapadala ng payment nila sa amin. Kaya instead na makapagbigay kami ng tulong kay Michael hindi namin magawa dahil 'yung mga staff ‘di rin namin mabigyan ng tamang sahod,” sabi niya.

Sa kabila nito, sisikapin nilang maisaayos sa lalong madaling panahon ang sahod na kukubrahin ni Villanueva para maibsan ang pag-aalala nilang pamilya.

“Nagugutom na mga anak ko, alangan namang sabihin ko sa kanila, anak maghintay kayo. Kawawa po mga anak ko,” sabi ni Villanueva.