Pagdagdag sa mga puwedeng pumasok sa Baclaran Church uutay-utayin

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 06:24 PM

Unti-unting daragdagan ng Baclaran Church sa Parañaque City ang bilang ng mga taong papayagan nilang makapasok sa simbahan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News 

MAYNILA - Planong utay-utayin ang pagdagdag sa bilang ng mga taong papayagang makapasok sa Baclaran Church sa Parañaque City sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.

Alinsunod ito sa paglilimita sa pagpapapasok ng hanggang 30 percent lamang ng seating capacity sa simbahan na inilatag ng lungsod bilang quarantine protocol.

Ayon kay Fr. Victorino Cueto, rector ng simbahan, sinisiguro nilang nasa 500 katao lang ang nasa loob. Sisimulan ngayong Huwebes ng Baclaran Church ang pagbibilang kung ilang tao ang makakapasok sa simbahan. 

Sa Linggo, susubukan ang dagdag na 100 tao. Kung maayos ito, papayagan na nila ang nasa 700 hanggang 800 tao pagdating ng Miyerkoles. 

Aabot din sa 20 guwardiya at volunteer ang nagbabantay nito, maging ang physical distancing sa simbahan. 

"Ang kailangang bantayan ay minsan nakakalimot talaga sa physical distancing... Minsan may mga kapatid tayo na hindi conscious doon,” ani Cueto. 

"Kahit 'yung simpleng inalis ang mask, inalis ang face shield ay lalapitan at papakiusapan na kung maaari ay isuot pa rin," dagdag niya. 

Sa executive order ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez noong Martes, itinaas sa 30 porsiyento ang seating capacity ng mga pook-simbahan mula sa dating 10 porsiyento. 

Unti-unti itong ipapatupad ng Baclaran Church, na isa sa mga dinarayong simbahan sa Kamaynilaan. 

Pag-aaralan din nila ang paglakad at pagpila ng tao gaya ng tuwing communion at puwestuhan ng mga uupo. 

Magdaragdag din sila ng mga disinfection area at mananawagan ng dagdag na 10 volunteer. 

Paalala ng simbahan na maging alerto pa rin at ingatan ang kalusugan kahit luwagan na ang protocols sa lugar, kahit pinapanatiling buhay ang pananampalataya. 

— Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.