Mga magsasaka sa Lopez, Quezon dumidiskarte para kumita matapos bahain mga palayan

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 06:06 PM | Updated as of Oct 22 2020 08:31 PM

Nagbabangka ang mga residente ng Lopez, Quezon para makatawid sa bahang iniwan ng pag-ulang dala ng nagdaang bagyong Pepito. Dennis Datu, ABS-CBN News

Ilang oras nang nakababad sa baha si Alejandro Silvano para alalayan ang bangka na sinasakyan ng mga kapwa niya residente ng Lopez, Quezon.

Pero hindi talaga bangkero si Silvano. Sa halip, isa siya sa maraming magsasaka ng Lopez na suma-sideline.

Watch more in iWantTFC

Dahil sa pagbahang iniwan ng mga ulang dala ng nagdaang bagyong Pepito, nalubog ang palayan ng mga magsasaka sa Lopez, na aanihin sana ngayong buwan. Kaya ang mga magsasaka, kinailangang maghanap ng ibang diskarte. 

Nasa P50 ang bayad ng bawat pasahero pero marami umano silang naghahati sa kita.

"Nilubog ['yong mga tanim] eh di wala po kami ngayon pagkukunan. Ngayon, nagbabalsa kami para kumita, may maibili man lang," ani Silvano.

Watch more in iWantTFC

Hindi rin nalalayo ang karanasan ni Saldito Buelbo.

Hindi man malawak ang kaniyang palayan, iyon sana ang kaniyang inaasahang pagkukuhanan ng kabuhayan.

"Para kumita para mayroon makain kasi gutom na, kasi 'yong aming palayan, lumubog na. Wala nang aanihin," kuwento ni Buelbo.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, higit 300 ektaryang palayan ang nalubog sa baha, na nagkakahalaga ng P16 milyon.

Umapela ang mga magsasaka na matulungan sila sa pagkuha ng kabuhayan kapag humupa na ang baha.

Problemado rin ang mga stranded na motorista ngayong inabot na sila nang ilang araw sa highway. 

"Wala na kami makain kasi naubos na rin ang allowance. Ilang araw na kami dito kakaantay," anang truck driver na si Marco Acosta.

Nagsimula na ring mabulok ang mga gulay na ibibiyahe sa Bicol.

"Lugi na 'yan, kahit sa biyahe lugi rin kami," ani Michael Monson, biyahero ng gulay.

Nitong tanghali ng Huwebes, bahagyang bumaba na ang baha.

Nananatiling lubog sa baha ang ilang barangay sa Calauag, Quezon. Dennis Datu, ABS-CBN News

Sa karatig-bayan ng Calauag, 8 pang barangay ang lubog sa baha.

Sinisisi ng ilang residente sa ginawang tulay sa Calauag at Lopez dahil kumipot umano ang daanan ng tubig.

Pero itinanggi ng opisyal ng municipal disaster office ang paratang.

"Makikita naman na sobrang lawak na ng ilog tapos 'yong taas ng tulay, hindi naman nakakaharang sa tubig sa daloy palabas," ani Moises Dalida, tagapamuno ng Calauag Municipal Disaster and Risk Reduction and Management Office.

Sa taya ng lokal na pamahalaan, posibleng sa Biyernes ay mawala na nang tuluyan ang baha at maubos na ang mga stranded.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.