Estudyante patay sa pamamaril sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 11:04 PM

Nasawi ang estudyanteng na si Aldrin Tangonan, Jr. matapos siya barilin sa ulo habang kumakain sa isang barbecue station sa Mlang, Cotabato. Mula kay Maria Cecilia Butardo

Isang 20-anyos na estudyante ang patay matapos siya pagbabarilin sa isang barbecue station sa Magsaysay Ave. sa bayan ng Mlang, Cotabato nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa pulisiya, kumakain lang sa nasabing barbecue station ang biktima na si Aldrin Tangonan, Jr. kasama ang kaibigan nitong babae, nang biglang lapitan siya ng salarin.

"Sa ngayon po ay tinitingnan pa namin ang relasyon ng kasamang babae ng biktima at ng suspek. Kasi itong suspek nanligaw daw noon sa babae. Siguro napagkamalan ng suspek itong biktima na nobyo ng babae," ani Police Cpl. Ezra Noel Olegario, imbestigador ng Mlang Police Station.

Ang biktima ay residente ng Brgy. Osias, Kabacan at 3rd year student ng University of Southern Mindanao sa bayan.

Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng biktima.

"Hindi namin alam bakit siya pumunta ng Mlang, ang paalam niya matutulog siya sa bahay ng isang kaibigan sa Barangay Malamote (Kabacan). Pero nabasa namin sa Messenger ka-chat niya yung isa niyang kaibigan na taga-Mlang at plano na pala niyang pumunta doon," ani Robena Balanag, tiyahin at kapitbahay ng biktima.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang lalaki na nakilala base na rin sa pahayag ng babaeng kasama ng biktima at kuha ng CCTV.

"Na-involve na po dati sa dalawang kaso ng pamamaril itong suspek. 'Yung huling biktima po ay kasama naming pulis," ani Olegario.

Nakatakdang sampahan ng kasong murder ang suspek.--Ulat ni
Maria Cecilia Butardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.