14-anyos, patay sa pamamaril sa Tondo; isa pa sugatan

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 05:45 AM | Updated as of Oct 22 2020 02:48 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagdadalamhati ang pamilya ng isang 14-anyos na binatilyo matapos siya pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang mga salarin sa Barangay 56, Zone 5, Tondo, Maynila nitong Miyerkoles.

Sa CCTV, makikitang nakaupo ang biktimang si Deejay Cabilin kasama ang isang grupo sa covered court sa tabi ng barangay hall alas 11 ng gabi nang dumating ang dalawang lalaking lulan ng motorsiklo.

Bumaba ang angkas at nilapitan si Cabilin tsaka siya pinagbabaril.

Nakatayo pa ang binatilyo at tumakbo papunta sa likod ng nakaparadang SUV.

Itinakbo siya sa ospital pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Sugatan ang din ang isang 16-anyos na babaeng pamangkin ni Cabilin na nadamay sa pamamaril.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District homicide section, nasa barangay hall ang binatilyo nang mga oras na iyon matapos siyang ireklamo ng pananaksak umano sa isa pang menor de edad sa isang computer shop sa kabilang barangay.

Nangyari ang pamamaril habang hinihintay nilang dumating ang nagreklamong pamilya.

Inaalam pa kung may kaugnayan ang pamamaslang kay Cabilin sa nangyari umanong saksakan.

Ayon kay Police Capt. Henry Navarro, hepe ng MPD homicide section, hindi na nila mahagilap ang tatay na nagreklamo kay Cabilin nang puntahan ng mga pulis para sa follow-up.

Humihingi naman ng tulong pinansyal ang pamilya ng binatilyo na hindi pa mailabas ang labi dahil kulang ang pambayad sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.