1 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Rosario, Cavite

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 05:42 AM

MAYNILA - Nag-ugat umano sa pagtatalo ang pamamaril na ikinamatay ng isang motorcycle rider at ikinasugat ng kanyang kaangkas sa Rosario, Cavite Martes ng gabi. 

Kinilala ang mga biktima na sina Gregorio Buño, 19, at Junnie Catapang, 22, magkamag-anak at kapwa nagtatrabahong production operator. 

Pinagbabaril sila sa tapat ng fast food restaurant sa Gen. Trias Drive na nasa labas ng Cavite Export Processing Zone. 

Sa ulat mula kay Cavite Police Provincial Director Col. Marlon Santos, itinurong salarin ang 42-anyos na si Edwin Lontoc. 

Sabi ng biktima sa pulis, napikon ang suspek sa pagtatalo nila sa kanya pasado alas-7 ng gabi.

Naglabas ang suspek ng caliber .45. at pareho silang binaril bago tumakas sakay ng pulang kotse sa direksyon ng Noveleta, Cavite. 

Ayon sa nakakita na nanggaling sa fast food restaurant, nakarinig na lang sila ng tatlong putok ng baril sa labas. 

Nakita nilang nakahandusay ang duguang rider sa tabi ng motorsiklo. Natamaan naman sa paa ang kaangkas. 

Pareho silang dinala sa Divine Grace Hospital pero binawian ng buhay si Buño. 

Matapos malaman ang pagkakakilanlan ng suspek, sinubukan siyang puntahan ng mga pulis sa bahay niya sa Kawit, pero hindi siya naabutan doon. Pinaghahanap pa rin si Lontoc sa ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.