Turismo sa Cape Bojeador apektado sa gumuhong bahagi ng bundok

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 08:31 PM

BURGOS, Ilocos Norte - Apektado na ang turismo sa Burgos, Ilocos Norte dahil sarado pa rin ang sikat na Cape Bojeador Lighthouse.

Hanggang ngayon hindi pa tapos ang road project at slope protection na inilagay matapos na gumuho ang bahagi ng bundok sa pananalasa ng bagyo noong buwan ng Agosto.

Ipinagbabawal din ang pag-akyat sa lighthouse dahil sa konstruksyon.

“On the part of the LGU (local government unit), apektado din kami kasi nga may part doon sa (income ng) lighthouse may pupunta sa LGU," sabi ni Tourism Officer Jay R Tiguiamo. 

Hindi umano nawawalan ng turista na pumapasyal noon sa lighthouse. Umaabot umano sa 2,000 turista kada araw ang dumarayo doon. Dumodoble pa ito tuwing long weekend.

Apektado rin ang kabuhayan ng ilang residente dahil ang mga stall ng souvenir shop sarado na.

“Kasi nga 'yun lang ang source of income nila so basically sila 'yung unang naapektuhan,” dagdag ni Tiguiamo.

Pero ang negosyanteng si Eunice Trinidad, nakikipagsapalaran pa rin. Araw-araw pa rin na nagbubukas ng stall si Trinidad sakaling may turistang huminto pa rin sa lugar.

“Magmula noong mawala 'yun talagang bumaba ang sales namin,” sabi ni Trinidad.

Dati, P1,000 pataas ang kita niya kada araw. Ngayon, masuwerte na raw kung makabenta siya ng hanggang P500. 

Karamihan sa mga turistang napapadaan ay nagtatanong lamang kung kailan muling magbubukas ang lighthouse. Hindi sila interesadong bumili ng souvenir kapag hindi naman daw nakita ang lighthouse.

Paliwanag ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mas matibay na slope protection ang gagawin sa lugar.

“Ang nagawa na natin doon 'yung slope protection before the lighthouse. Nagawa na rin po 'yun. At made of geogrit materials, bale bagong technology sa protection works. Unlike 'yung traditional na stone masonry," sabi ni Maria Venue Torio.

Nasa P25 milyon ang paunang pondo para dito.

Hiniling naman ng lokal na pamahalaan na pansamantalang mabuksan ang lighthouse sa susunod na linggo hanggang sa Undas dahil inaasahan ang pagdagsa ng maraming turista.

Matatapos ang konstruksiyon sa Disyembre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.