Nasa 260 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 01:27 PM | Updated as of Oct 22 2019 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa isang residential area sa Santa Cruz district, Maynila ngayong Martes, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa huling tala ng BFP, 264 pamilya ang nawalan ng bahay sa may kanto ng Quiricada Street at Rizal Avenue, malapit sa San Lazaro Hospital.

Tinatayang umabot umano sa 100 bahay ang natupok.

Nag-umpisa ang sunog bago mag-alas-12 ng tanghali at idineklarang under control bandang ala-1:36 ng hapon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa isang 3 palapag na bahay nagsimula ang sunog, ayon kay Senior Superintendent Rodolfo Denaga, Manila City fire marshal.

Karamihan sa mga apektadong bahay ay gawa umano sa light materials kaya mabilis lumaki at kumalat ang apoy.

Ilang fire volunteer rin ang nasugatan matapos mabagsakan ng bumigay na mga alulod at kisame ng mga nasunog na bahay.

Umabot pa ang sunog sa Task Force Bravo, na nangangahulugang hindi bababa sa 19 fire truck ang na-deploy para rumesponde.

Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng apoy at kung magkano ang halaga ng pinsala ng sunog sa mga ari-arian.

Inihahanda na ang covered court malapit sa pinangyarihan ng sunog, na magsisilbing evacuation center ng mga apektadong pamilya.-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.