Higit 260 pamilya nasa evacuation center pa rin sa Davao del Sur

Vina Araneta, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 08:34 PM

Hindi na muna pinayagang makabalik sa kanilang mga bahay ang 267 pamilya na nananatili ngayon sa mga evacuation center sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur. Vina Araneta, ABS-CBN News

MAGSAYSAY, Davao del Sur—Nanatili pa rin sa mga evacuation center ang 267 na mga pamilya na naapektuhan ng malakas na paglindol sa bayang ito.

Ito’y matapos hindi na sila pinayagang makabalik sa kanilang mga bahay dahil delikado na itong tirahan matapos mapinsala ng magnitude 6.3 na lindol noong Miyerkules.

Nakahanap naman na ang local government unit ng pansamantalang paglilipatan ng mga lumikas.

Magbibigay rin ng pinansyal na tulong ang National Housing Authority para sa mga apektadong residente para makapagpatayo sila ng bahay.

“Naghanap tayo ng malapit sa kanila para hindi naman maapektuhan ’yung kanilang hanapbuhay kasi itong evacuees halos buong barangay ito, nangangalahati ’yung naiwan kasi ’yung Phivolcs, nakita nila, malaki talaga bitak kaya may forced evacuation,” sabi ni Magsaysay Mayor Arthur Davin.

Ayon sa LGU, sa kabuuang 267 pamilyang lumikas, 149 ay mula sa Barangay Tagaytay, 56 sa Malawanit, at 62 naman sa Upper Bala.

Posibleng balik-normal na rin ang operasyon ng munisipyo sa susunod na linggo. Lumabas sa structural analysis na matibay naman ang pundasyon ng munisipyo. Bubong at disenyo lang ang nasira sa gusali.

Pero business as usual pa rin ang munisipyo. Sa function hall na ngayo’y command center sa compound ng munisipyo pansamantalang nag-oopisina ang mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.