Duterte napaaga ang uwi galing Japan dahil sa iniindang sakit

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 05:34 PM | Updated as of Oct 22 2019 06:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napaaga ang uwi ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kaniyang biyahe sa Japan dahil sa iniindang sakit sa mga buto.

Dumalo si Duterte ngayong Martes sa enthronement ceremony ni Japanese Emperor Naruhito pero hindi na raw siya sisipot sa emperor's banquet.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagdesisyon ang pangulo na umuwi nang mas maaga dahil sa nararamdamang sakit sa spinal column at pelvic bone.

Naaksidente noong Miyerkoles ang pangulo habang sakay ng motorsiklo sa loob ng Malacañang compound.

Nagtamo ng galos sa siko at tuhod ang pangulo, at bahagyang sumakit ang kaniyang balakang kasunod ng aksidente.

Magpapatingin si Duterte sa neurologist sa Miyerkoles, ayon kay Panelo.

Tiniyak naman ni Panelo na walang dapat ikabahala ang publiko sa kalusugan ng pangulo, lalo at binigyang prayoridad nito ang health condition nito para matiyak na makapaglilingkod ito sa gobyerno.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.