7 sugatan sa karambola sa Zamboanga

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 08:15 PM

Wasak ang unahang bahagi ng taxi matapos mabangga sa kasalubong na multicab sa Zamboanga City. Chrisel Almonia, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Pito ang sugatan sa karambola ng apat na sasakyan sa highway sa Barangay Cawit dito sa siyudad, Martes ng umaga.

Wasak ang harapang bahagi ng isang taxi matapos mabangga sa nakasalubong na multicab. Nadamay din sa aksidente ang dalawang motorsiklo na kasabay ng taxi.

Ayon sa drayber ng taxi, sinubukan niyang mag-overtake sa nakasabay na truck kaya aksidente niyang nabangga ang kasalubong na multicab.

Dahil sa aksidente, nagtamo ng sugat sa katawan ang tatlong menor de edad at kanilang mga magulang na nakasakay sa multicab.

Sugatan din ang dalawang motorista.

Agad dinala sa ospital ang mga sugatan at nasa mabuting kalagayan na.

Ayon sa Police Station 9, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na kasalanan ng taxi driver ang aksidente.

Nangako ang driver at operator ng taxi na sila na ang sasagot sa lahat ng gastusin sa ospital ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.