7 bata nasagip sa umano'y pambubugaw sa Taguig

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 04:01 PM | Updated as of Oct 22 2019 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ng awtoridad ang 7 batang umano ay ibinubugaw online ng kanilang kaanak, ayon sa pulisya.

Sinalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang bahay sa Barangay Tuktukan, Taguig City, kung saan nasagip ang mga biktima at inaresto ang 2 babaeng suspek.

Nasa edad 2 hanggang 14 ang mga biktima. Ang isa sa kanila ay anak ng isa sa mga suspek habang ang iba ay mga pamangkin nito.

Ibinebenta umano ang mga biktima sa mga parokyanong pedophile sa ibang bansa.

"Mayroong person of interest na Pilipino na kung saan nakikipagpalitan o nag-aalok ng mga bata online. Mayroon kaming taong nag-undercover online at true enough, natunton namin," ani Police Col. Maria Sheila Portento, hepe ng PNP Anti-Trafficking in Persons division.

Unang nagbigay ng impormasyon ang United States Department of Homeland Security sa PNP nang ma-trace nila na sa Pilipinas nanggagaling ang ilang maselang larawan ng mga batang Pinoy na hawak ng mga pedophile.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-Child Pornography Act, at Anti-Child Abuse Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.