Tatakbong konsehal sa Nueva Ecija, patay sa pamamaril

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 03:34 PM

SAN ANTONIO, Nueva Ecija - Isang 42 taong gulang na lalaki na tatakbo sanang konsehal sa bayang ito ang patay sa pamamaril nitong Biyernes ng hapon.

Base sa imbestigasyon, lumabas ng bahay ang biktima na si Jose Allan Joson para tumawag ng tricycle na susundo sa kaniyang anak sa paaralan.

Pero nag-aabang na pala ang salarin na nakipagkuwentuhan pa umano sa mga gumagawa ng drainage sa barangay.

Nagtamo si Joson ng 7 tama ng bala na agad na ikinamatay nito. Kilala ang pamilya Joson sa pulitika sa Nueva Ecija.

Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.

Ayon sa asawa ni Joson, wala itong kaaway o kaya'y natatanggap na banta sa buhay niya.

Taong 1996 nagsimula bilang Sangguniang Kabataan Federation president si Joson.

Dati nang naging konsehal ng bayan ng San Antonio si Joson. Naupo rin itong bise alkalde noong 2004 dahil sa automatic succession.

Muli itong nahalal na konsehal noong 2013, at muling sasabak sa politika sa susunod na taon.

Bumuo na ng special investigation task group ang pulisya para tumutok sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.