'Snatcher na nagpapasali sa dance contest,' timbog

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 05:31 PM | Updated as of Oct 22 2018 10:04 PM

Naaresto sa Quezon City ang lalaking modus umano ang magpanggap na nagpapasali sa dance contest pero pinagnanakawan pala ang kaniyang mga kausap, sabi nitong Lunes ng pulisya.

Nahuli ang suspek na kinilalang si Regie Amit sa loob ng isang mall noong Biyernes matapos siyang mamukhaan ng security guard, na siya namang tumawag sa mga pulis.

Watch more in iWantTFC

Modus umano ni Amit ang kausapin ang kaniyang mga biktima at alukin ang mga ito na sumali sa dance contest. Habang nakabaling ang atensiyon ng mga biktima ay saka niya tatangayin ang mga cellphone nito.

May ginagamit din daw na papel si Amit na ipinantatakip niya sa cellphone ng mga biktima habang kinakausap ang mga ito.

Si Amit umano ang nakuhanan ng CCTV na tumangay sa cellphone ng isang babae sa isang convenience store sa Barangay Marikina Heights, Marikina City.

Siya rin daw ang na-video-han na tumangay ng cellphone sa isang laundry shop sa Marikina City.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang nagawang krimen.

Napag-alaman din ng Quezon City police na may standing warrant of arrest si Amit para sa kasong theft.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.