Regalado Highway, isinara para sa MRT-7 project

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 10:44 PM

MAYNILA - Simula Lunes ng gabi ay isinara ang Regalado Highway sa Quezon City para bigyang daan ang pagkakabit ng girders para sa ginagawang MRT-7 project. 

Mula alas-10 ng gabi hanggang alas dos ng madaling araw ay unang isasara ang bahagi ng Regalado Highway mula Commonwealth Avenue hanggang Bristol Street.

Ang mga pupunta sa Lagro ay maaaring dumaan sa Commonwealth Extension at Mindanao Avenue bago kumanan sa Regalado Highway. 

Mula alas-2 hanggang alas-5 ng madaling araw naman ay isasara ang bahagi ng Regalado mula Bristol Street hanggang sa kanto ng Mindanao Avenue. 

Kung pupunta naman sa Lagro ay maaaring dumaan sa Regalado at kumanan sa Bristol Street habang kung papunta ng Caloocan o San Jose Del Monte ay maaaring dumaan sa Commonwealth Extension hanggang Mindanao Avenue at kumaliwa sa Regalado Highway. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.