Pag-aresto kay Trillanes, di pinagbigyan ng Makati court

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 04:42 PM | Updated as of Dec 15 2019 01:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Tinanggihan nitong Lunes ng isang korte sa Makati ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na arestuhin si Sen. Antonio Trillanes IV para sa kasong kudeta; pero sinabi rin nito na valid o balido ang pagpapawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ng mambabatas.

Sa inilabas na 33 pahinang desisyon ni Judge Andres Soriano ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148, base raw sa mga rekord ng korte ay na-dismiss noong Setyembre 21, 2011 ang kasong kudeta laban kay Trillanes, at ang pagkaka-dismiss sa kaso ay pinal.

Wala na rin daw sa saklaw ng Makati RTC 148 ang kaso.

"Well established is the doctrine that a final and executory judgement shall be immutable. The court, in fact, loses jurisdiction over the case when its decision has become final and executory," sabi sa desisyon.

Malinaw din daw na base sa ebidensiya, nagsumite si Trillanes ng kaniyang amnesty application.

Binigyang halaga ng korte ang mga pahayag ng mga testigo ni Trillanes pati ang mga retrato bilang patunay na nag-aplay siya ng amnesty.

Sabi ng korte, hindi nangangahulugang porke walang kopya ng mga rekord ng aplikasyon sa Department of National Defense (DND) Amnesty Ad Hoc Committee ay hindi na nag-apply ng amnestiya si Trillanes.

Binanggit din ni Soriano na, katunayan, iyong mismong nagbigay ng certification na si Colonel Joan Andrade ay nagsabi sa korte na wala itong balak sabihing hindi nag-apply si Trillanes ng amnesty.

Dagdag pa ng korte, inamin ni Trillanes ang kaniyang paglahok sa Oakwood mutiny noong 2003 at iba pang paratang laban dito.

Ang pag-amin sa mga kasalanan ay kinakailangan sa paggawad ng amnesty.

Ginawaran noong 2011 ng amnesty ni dating pangulong Benigno Aquino III si Trillanes at ang iba pang mga sundalong kasama nito sa Oakwood mutiny noong 2003 at sa Manila Peninsula incident noong 2007.

Dahil sa amnesty, na-dismiss ang kasong kudeta laban kina Trillanes sa Branch 148, at kasong rebelyon naman sa Makati RTC Branch 150.

Pero ipinawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Proclamation No. 572, na isinapubliko noong Setyembre 4, ang amnestiya ni Trillanes. Katuwiran ng proklamasyon ay bigo umano ang senador na maghain ng opisyal na application form at umamin sa mga kasalanan.

Humiling ang DOJ sa Branch 148 at 150 ng warrant of arrest at hold-departure order laban kay Trillanes, dahil maaari na raw ituloy ang mga kaso ng senador gayong wala nang bisa ang amnesty nito.

Noong nakaraang buwan, naglabas ang Branch 150 ng arrest warrant laban kay Trillanes pero agad ding nakapagpiyansa ang senador.

PROKLAMASYON NI DUTERTE, LEGAL AT VALID

Pero ayon pa sa Makati RTC Branch 148, legal at valid naman ang Presidential Proclamation 572 dahil bahagi umano ito ng kapangyarihan ng pangulo.

Wala umanong nilabag ang proklamasyon na karapatan ni Trillanes, lalo na iyong due process at equal protection dahil ang utos ay ipahuli siya ayon sa batas.

Hindi rin naman daw sini-single out si Trillanes dahil posibleng silipin din ang amnestiya ng iba pang may kinalaman sa mga nabigong pag-aalsa sa ilalim ng proklamasyon.

Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi pa tapos ang laban dahil maaari pang iapela ang utos ni Soriano kaya wala pang makapagsasabi na panalo na sa kaso.

Magpupulong sina Guevarra at acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon para sa mga susunod na hakbang.

Watch more in iWant or TFC.tv

TRILLANES, NAGPASALAMAT SA PASYA NG KORTE

Ipinagpasalamat ng kampo ni Sen. Antonio Trillanes IV ang desisyon ng Makati RTC Branch 148 na pumabor daw sa kanila.

Sa pagharap ni Atty. Rey Robles, ang abogado ni Trillanes, sinabi niyang lumabas din ang katotohanan na nag-apply ng amnesty si Trillanes kaya hindi pinayagan ni Soriano ang muling pagbuhay sa kasong kudeta.

Paliwanag ni Robles, hindi kalimitang binubuksan muli ang mga kasong naisara o napagdesisyonan na.

"Maliwanag na sinundan ni Judge Soriano dito sa kasong ito na ang isang pinal na desisyon sa korte, hindi puwedeng buksan na," ani Robles. "'Yan ang nakalagay sa ating jurisprudence."

Tagumpay naman kung ituring ni Trillanes ang desisyon.

"Nagwagi ang tama, nagwagi ang hustisya, nagwagi ang rule of law, nagwagi ang demokrasya," sabi naman ni Trillanes.

Inaasahan naman ni Trillanes na mas maigting pa ang aniya'y panggigipit sa kaniya ng pamahalaan dahil sa pagiging kritiko niya.

Pero nanindigan siyang mas lalo siyang gaganahan dahil sa resolusyon ng hukuman.

Sa kanilang susunod na legal na hakbang, sinabi ni Robles na hinihintay na lamang nilang ma-nullify sa Korte Suprema ang proklamasyon ni Duterte.

--Ulat nina Mike Navallo at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.