Lalaking nag-birthday, binaril ng kapitbahay dahil sa speaker

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 08:27 AM | Updated as of Nov 05 2019 04:41 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Halos maputulan ng daliri ang isang lalaking nagdiriwang ng birthday matapos mauwi sa barilan ang pagsita ng kapitbahay sa kaniyang malakas na pagpapatugtog ng speaker sa Intramuros, Maynila nitong Linggo ng gabi.

Kuwento ng kapatid ng biktimang si Greg Fuentes, nakikipag-inuman ito sa mga kaibigan sa gilid ng kalsada nang lapitan sila ng kapitbahay na si Jun Bandong upang ireklamo ang pagpapatugtog ng speaker.

Maayos naman umanong nakiusap si Fuentes na pagbigyan sila dahil birthday niya, may permit siyang magpatugtog mula sa barangay at alas-8 pa lang ng gabi.

Pero nagkasagutan at nagkabugbugan umano sila ni Bandong hanggang makarinig ng magkakasunod na putok ng baril ang mga kaanak ng biktima.

Tinamaan si Fuentes sa daliri kaya kinailangan itong operahan.

Nahuli naman ng mga pulis si Bandong.

Giit niya, may sakit ang kaniyang asawa kaya nakiusap siyang hinaan ang tugtugan.

Nauna rin aniyang nagpaputok ng baril ang kampo ni Fuentes, kaya tumakbo siya pabalik sa kaniyang bahay na katapat lang ng tahanan ng biktima, saka gumanti ng putok.

"May tama pinto ko," ani Bandong. "Sinasabi nila ako nauna? Hindi. Powerful sila doon. Chairman kapatid niya. Sino ba naman ako?"

Hawak ng pulisya si Bandong habang nagpapagaling naman sa ospital si Fuentes.

Nag-uusap na ang 2 kampo at posibleng mag-aregluhan lalo't magkaharap lang ang kanilang bahay.

May ulat nina Jervis Manahan at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.