Lalaki pinagbabaril sa Batangas; suspek arestado

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 10:15 PM

CALACA, Batangas - Sugatan ang isang lalaki matapos barilin ng nakamotorsiklong salarin Lunes ng hapon sa Barangay Pantay sa bayang ito.

Kritikal ang kalagayan sa ospital ng biktimang si Marwin Delfino matapos tamaan ng bala sa dibdib.

Ayon sa pulisya, sakay ng motorsiklo si Delfino nang barilin ng suspek na nakamotorsiklo rin.

Nagkahabulan pa umano ang dalawa bago umabot sa lugar kung saan nabaril si Delfino.

Nakatawag naman gamit ang cellphone at nakahingi ng saklolo si Delfino. Ang mga pulis na rin ang nagdala rito sa ospital.

Tinukoy rin umano mismo ni Delfino ang bumaril sa kaniya na si Joel de Sagun.

Kasalukuyang nakakulong sa istasyon ng pulis si De Sagun, na itinatanggi ang bintang sa kaniya.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.