Dump truck nahulog sa bumigay na tulay; 21 estudyante, sugatan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 03:37 PM

KIAMBA, Sarangani Province - Sugatan ang 21 estudyante ng Maitum Edenton College Mission Incorporated matapos bumigay ang tulay na dinaanan ng sinasakyan nilang dump truck Lunes ng umaga.

Ayon kay Chief Inspector Rey Salgado, hepe ng Kiamba Municipal Police Station, nasa 30 ang sakay ng dump truck na papunta sanang Barangay Maligang para sa immersion program ng mga estudyante sa lugar.

Sinubukan umanong pigilan ng isa sa mga sakay ang driver ng dump truck pero nagtuloy-tuloy umano ito. At dahil marupok na ang tulay, bumigay ito na nagresulta sa pagkasira ng tulay at pagkahulog ng dump truck.

Agad ginamot sa ospital ang mga sugatan. Ayon sa mga pulis, wala pang naghahain ng pormal na reklamo sa Kiamba Municipal Police Station.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.