Bus at trak, nagbanggaan sa Palawan; mahigit 30 sugatan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 10:55 PM

Sugatan ang mahigit 30 pasahero sa banggaan ng isang bus at trak sa Aborlan, Palawan. Kuha ni Bayan Patroller Ash Ash Vicencio

ABORLAN, Palawan - Sugatan ang mahigit 30 pasahero sa banggaan ng isang bus at trak sa Aborlan, Palawan nitong Lunes.

Sa mga larawang kuha ni Bayan Patroller Ash Ash Vicencio, makikita ang isang bus na nakatagilid sa kalsada habang isang dump truck naman ang nakahambalang sa tabi nito sa kahabaan ng Barangay Plaridel.

Kaniya-kaniyang hanap ng paraan ang mga pasahero para makalabas mula sa bus.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng bayan ng Aborlan, agad umanong nasaklolohan ang mga biktima ng aksidente.

Mahigit 30 pasahero ang agad nilapatan ng paunang lunas at dinala sa pagamutan. Wala naman umanong nagtamo ng malubhang sugat.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, palabas ng highway ang trak mula sa kanilang planta habang mabilis naman ang takbo ng bus na papunta sana sa Puerto Princesa.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente para matukoy kung sino ang dapat managot sa aksidente.

Maaring sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple injuries ang mga drayber ng bus at trak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.