Asawa ng dating bise-alkalde sa Maguindanao, patay sa pamamaril

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 09:48 PM

KABACAN, North Cotabato - Patay ang asawa ng dating bise-alkalde ng bayan ng Montawal, Maguindanao at ang apo nito matapos barilin sa Kabacan, North Cotabato Linggo ng hapon.

Base sa imbestigasyon, pasakay na sa sasakyan ang mga biktimang si Susan Montawal kasama ang apo nitong si Datu Haris Montawal nang bigla silang lapitan ng isang lalaki at pinagbabaril.

Isinugod sila sa ospital pero idineklarang dead on arrival dahil sa mga tinamong tama ng bala.

Asawa ng dating bise-alkalde ng Montawal, Maguindanao na si Datu Mohaliden Montawal Bao ang biktimang si Susan. Naghain rin ito ng kaniyang kandidatura sa pagka-board member ng lalawigan ng Maguindanao.

Bayaw naman ni Susan ang kasalukuyang bise-alkalde ng Montawal na si Otto Montawal.

Maliban sa mag-lola, dalawang iba pa ang sugatan sa insidente nang tamaan ng ligaw na bala.

Ipinag-utos na ni Vice-Mayor Montawal na maimbestigahan ang insidente para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang mga kaanak.

Bagama't tatakbo sanang board member si Susan, hindi ito itinuturing na election-related incident ng pulisya.

Ilang sa tinitingnang anggulo ng pulisya ay ang personal na galit laban sa biktima.

"One is grudge dahil may pinaalis daw sa lupa nila na tenants kaya baka may grudge. Ang pangalawa may anggulo na lumabas last August, may operation led by PDEA sa Kabacan, high-value target ng barangay captain ng one barangay sa Montawal accordingly pinagsususpetsahan na ang informer si Susan," ani Police Senior Supt. Maximo Layugan.

Inaalam na rin ng pulisya kung mayroong mga testigo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.