3 miyembro ng loan shark syndicate tiklo

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 08:45 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto kamakailan ang isang Pilipina at 2 Chinese na miyembro umano ng loan shark syndicate, kinumpirma ng pulisya ngayong Lunes.

Dinukot umano ng grupo ang isang Chinese na casino highroller sa Parañque nitong Oktubre 13, ayon kay police Anti-Kidnapping Group director, Chief Superintendent Glenn Dumlao.

Pumunta aniya sa Pilipinas ang biktima makaraang pangakuan ng mga suspek na aayusin nila lahat ng kaniyang pangangailangan tulad ng hotel at biyahe.

Sinundo aniya ng grupo ang biktima sa airport at dinala sa casino-hotel. Dito na umano pinahiram ng mga suspek ng P15 milyon ang biktima para ipangsugal.

Pero natalo ang biktima at nabigong bayaran ang utang at interes.

Dahil dito, dinala siya ng mga suspek sa isang safehouse, kung saan sila nakipagnegosasyon sa kaniyang pamilya at humingi ng P15 milyon.

Nitong weekend, ibinigay ang ransom sa mga suspek, pero hindi nila alam na mga pulis na ang katransakyon, dahilan para maaresto sila.

Sinampahan na ang grupo ng mga kasong kidnap for ranson, serious illegal detention, at physical injuries sa Department of Justice.

Nagpapagaling naman sa ospital ang biktima na naging sugatan nang magtangkang tumakas.

DZMM, 22 Oktubre 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.