3 dawit sa Maiso crime group, timbog sa Bacoor City

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 02:53 PM | Updated as of Sep 16 2019 03:53 PM

Watch more in iWantTFC

Naaresto ng mga awtoridad sa lungsod ng Bacoor, Cavite ang tatlong miyembro umano ng isang grupong dawit sa iba-ibang krimen, sabi nitong Lunes ng pulisya.

Nasundan ng Bacoor police noong nakaraang linggo sa Barangay Panapaan ang van na sinasakyan ng grupo na magbebenta raw sana ng shabu.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Richard Bascugin o alyas "Tata," Paul John Bautista o alyas "PJ," at Wilson Bebero o alyas "Bimbo," na pawang mga miyembro umano ng Maiso group na isinasangkot sa pangangalakal ng ilegal na droga, pagnanakaw, at panghoholdap.

Nakuha sa mga suspek ang shabu na nagkakahalagang higit P300,000, isang granada, at mga bala ng kalibre .45 ng baril.

Ayon kay Superintendent Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, tumayong bagong lider ng grupo si Bautista matapos mapatay sa engkuwentro noong Hulyo 2 ang lider ng grupo na si Roldan Maiso.

Ang grupo rin ang itinuturong sangkot sa pangholdap sa isang Japanese restaurant sa Bacoor noong Hunyo 18. 

Sa pagkakapatay sa lider at pagkakaaresto sa ilang miyembro, naniniwala si Cabatingan na pilay na ang Maiso group.

Isang babaeng miyembro na lang daw ang tinutugis ng mga pulis.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang tatlong suspek kabilang ang paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.