1 patay sa pagbangga ng truck sa puno ng niyog sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 09:51 PM

ZAMBOANGA CITY — Patay ang isang lalaki habang anim ang nasugatan matapos sumalpok ang sinasakyan nilang cargo truck sa puno ng niyog sa Barangay Curuan sa lungsod na ito Linggo ng hapon.

Papunta sanang Zamboanga Sibugay ang trak na may dalang rubber latex nang mawalan ito ng preno, ayon sa mga pulis.

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver kaya lumihis sa daan at bumangga sa puno ng niyog.

Nasawi sa insidente si Saturnino Villabeto, 56 anyos, na nakaupo sa harap ng truck.

Kabilang din sa mga nasugatan ang driver ng truck at ang misis ni Villabeto.

Ang mga residente sa lugar na pinangyarihan ng aksidente ang mga tumulong sa mga biktima. --Ulat ni Noning Antonio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.