Mag-anak na lumikas sa Marawi, 'minartilyo' sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 08:02 PM

Patay ang limang buwang sanggol at ang kaniyang ama, habang sugatan naman ang ina, matapos hatawin ng martilyo sa loob ng kanilang tindahan sa Mandurriao Plaza sa Iloilo City nitong Linggo, Oktubre 22.

Nabulabog ang mga nagtitinda sa plaza nang pasukin ang tindahan ng mag-asawang Muamar at Asnifah Ditingki.

Ayon kay Mohammad Naem, isa sa mga tumugon sa insidente, natagpuan na lamang duguan ang mag-asawa at ang kanilang sanggol sa loob ng tindahan.

Nakuha mula sa pinangyarihan ang martilyong ginamit umano sa krimen.

Kritikal ang kalagayan ng inang si Asnifah.

Tatlong linggo pa lang ang pamamalagi ng pamilya Ditingki sa Iloilo matapos lumikas mula Marawi City.

Sa tulong ng kuha sa CCTV, natugis ng mga pulis ang itinuturong suspek na si Mark Ganaba.

Nakuha kay Ganaba, 19 anyos, ang duguang sando pero iginiit ng suspek na hindi sa kaniya ang damit.

Batay sa imbestigasyon, may kasabwat si Ganaba sa krimen.

Inaalam pa rin kung kaso ng pagnanakaw o may galit ang suspek sa mga biktima.

Handa ang naiwang kaanak ng mga biktima na magsampa ng kasong "murder" sa suspek.

-- Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.