Lalaki pinagtataga ng pamangkin

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 10:59 AM | Updated as of Oct 22 2017 05:29 PM

MANILA - Patay ang isang 24-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng nakatatandang pamangkin sa kanyang bahay sa Barangay Molino 3 sa Cavite, Sabado ng hapon.

Bumili pa ng hamburger ang suspek na si Jonathan Santiago, 32 para sa biktimang si Carlos Yee Jr. bago sila nagkasagutan, ayon sa imbestigador na si PO2 Francis Mark Cortez.

Doon na aniya, kumuha ng bolo si Santiago at pinagtataga si Yee, na agad nitong ikinamatay.

Sumuko sa pulisya si Santiago, Linggo ng madaling-araw. Tumanggi siyang humarap sa camera, pero inamin niyang siya ang nanaga kay Yee.

Ani Santiago, hinagisan siya ng mga appliances ni Yee kaya gumanti siya gamit ang bolo.

Napag-alam na dati nang may alitan ang suspek at biktima.

Posibleng maharap ang suspek sa kasong murder. Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.