Lalaki, arestado sa pagdadala ng baril sa hotel na venue ng ASEAN meeting

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 08:21 AM

MANILA - Arestado ang 24-anyos na si Jeffrey Datuin sa Pasay City matapos makita ang isang paltik sa kanyang bag na ipinasok sa hotel na may nagaganap na meeting ng mga delegado ng ASEAN Summit Sabado ng hapon.

Sa salaysay ng mga umarestong pulis na sina PO1 Adrian Jack Ancheta at PO1 Rolly Ferrer, napansin ng X-ray operator na si Marivic Vargas na may lamang baril ang isang itim na backpack na dumaan sa X-ray sa bungad ng hotel.

Bukod sa baril, nasa bag din ang isang plastic na lalagyan na may 8 bala.

Inaresto si Datuin nang balikan niya ang bag.

Ayon kina Ancheta at Ferrer, agad umanong inamin ni Datuin na kanya ang baril at sinabing nakalimutan lang niyang iwanan ito sa bahay bago lumabas.

Tumanggi namang humarap o magbigay ng pahayag si Datuin nang kausapin ng media.

Dinala siya sa Pasay City Police Station para imbestigahan.

Matindi ngayon ang seguridad ng pulisya sa ilang mga hotel sa Parañaque at Pasay dahil sa mga isinasagawang pagpulong ng ASEAN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.