Isa pang batch ng mga sundalong galing Marawi, nakabalik na sa Maynila

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 05:50 PM

MANILA - Dumating na sa Villamor Air Base sa Pasay madaling araw ng Linggo ang panibagong batch ng mga sundalo na sumabak sa giyera sa Marawi City sa Mindanao.

Ayon kay Maj. Albert Estabilla, assitant director ng Public Information Office ng Philippine Air Force, lumapag ang isang C130 cargo plane pasado 1:45 a.m. kanina.

Ang pangatlong batch na ito ay binubuo ng 119 na sundalo mula Army at Marines. 

Mula sa Laguindingan Airport sa Cagayan de Oro, dumaan muna sa Mactan International Airport ang eroplano bago lumapag sa Villamor Air Base.

Bagaman hindi pinahintulutan ang media na lumapit sa base operations area, kinumpirma naman sa atin na pinayagan naman ang ilan sa malalapit na kaanak ng mga sundalo na salubungin ang kanilang mahal sa buhay sa may base operations.

Magugunita na 3 p.m. Sabado ay lumapag na rin sa Villamor Air Base ang isang C130 plane at dalawang C295 sakay ang Marine Battalion Landing Team 10, Philippine Army 1st Battalion at Scout Rangers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.