Grocery bagger sa Laoag pinagbabaril, patay

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 09:40 PM

LAOAG CITY - Patay ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salaring magkaangkas sa motorsiklo sa Barangay 54-B Camangngaan, Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Allan Agnes, residente ng Barangay 23, Sarrat, llocos Norte, at nagtatrabaho bilang isang bagger sa isang grocery store sa siyudad na ito.

Ayon sa pulisya, sakay si Agnes ng motorsiklo pauwi sana mula sa trabaho nang pagbabarilin ng mga nakamotor na salaring sumusunod sa kanya. 

Ayon naman kay Germinigildo Ferrer, tanod sa barangay, nakarinig ang kanyang mga kabarangay ng tatlong putok ng baril nang gabing mangyari ang insidente.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong tama ng baril sa kanyang likod. 

Batay naman sa impormasyong nakarating sa tiyuhin ng biktma na si Manuel Agnes, inabangan daw ng mga suspek ang kanyang pamangkin sa crime scene. 

"May nag-abang daw sa kanya kaya maaaring ini-shoulder (shoulder lane) niya ang kanyang motorsiklo at noong dahan-dahan siyang huminto, dito na siya pinagbabaril," sabi ng tiyuhin na si Manuel Agnes.

Labis ang paghihinagpis ng pamilya ng biktima. Mabait at masipag anila ito at wala silang maisip na dahilan para siya ay patayin ng sinuman. 

Nangako naman ang pulisya na patuloy ang imbestigasyon sa krimen para matukoy kung sino at ano ang dahilan ng pagpaslang sa biktima.