5 buwang sanggol, patay matapos umanong pukpukin ng martilyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 04:22 PM

Arestado ang suspek na si Mark Ganaba na pumatay umano sa 5-buwang sanggol sa Iloilo. Joyce Anne Clavecillas, ABS-CBN News

Patay ang isang sanggol habang sugatan ang mga magulang nito matapos umano silang pukpukin ng martilyo sa loob mismo ng kanilang tindahan sa Mandurriao Plaza, Iloilo City.

Bandang alas-3 ng madaling araw nitong Linggo nang mabulabog ang mga tindero ng Mandurriao Plaza.

Nakarinig sila ng paghingi ng saklolo mula sa tindahang ng mag-asawang Muamar at Asnifah Ditingki.

Nakita ni Mohammad Naem, isa sa mga unang tumugon, ang isang lalaking nagmamadaling lumabas sa tindahan ng mga Ditingki.

Natagpuan ni Naem sa loob ng tindahan ang mga Ditingki at ang kanilang limang buwang sanggol. Duguan ang mga ito dahil umano sa pamumukpok ng martilyo.

Dead on arrival ang sanggol sa ospital dahil sa tindi ng sugat sa kaniyang ulo.

Natagpuan sa pinangyarihan ng krimen ang isang duguang damit. Narekober din ang martilyong ginamit umano sa krimen. 

Nabali pa ang hawakan ng martilyo dahil umano sa lakas ng paghampas nito. 

Sa tulong ng kuha ng CCTV sa plaza, agad ding naaresto ang suspek na si Mark Ganaba, 19 anyos, mula sa Himamaylan, Negros Occidental.

Itinanggi naman ni Ganaba na siya ang salarin.

Ayon naman kay Police Chief Inspector Juvy Navales, nahaharap sa kasong murder ang suspek. 

-- Ulat nina Joyce Ann Clavecillas at Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.