2 patay sa karambola ng mga sasakyan sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2016 02:49 PM

GENERAL SANTOS CITY - Dalawa ang patay habang tatlo ang sugatan sa karambola ng kotse, motorsiklo at tricycle sa Barangay Baluan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng tatlong sasakyan ang inner lane ng kahabaan ng national highway patungo sa city proper nang mabangga ng kotse ang motorsiklo, na agad tumilapon.

Nagtuluy-tuloy pa ang kotse at nasagasaan ang tricycle sa harapan ng motorsiklo, na dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nagkahiwalay ang sidecar at motor.

Dead on the spot ang driver ng motor na si Ariel Mark Tan. Sugatan naman ang kanyang angkas na kapatid na si Aira Tan.

Nasa kritikal na kondisyon naman ang driver ng tricycle na si Elmer Carolino, pero binawian ng buhay ang kanyang pasahero na si Jhondaryl Anas.

Sugatan din at nagpapagaling sa ospital ang driver ng kotse na si Billy Alvin Lee.

Ayon sa pulisya, madilim ang lugar at mabilis ang takbo ng kotse, na maaaring naging dahilan ng aksidente.

Sasampahan si Lee ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.