Malaking pondo para sa overhead ng mga kawani ng DENR, kinuwestiyon sa Senado

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2021 03:14 PM

MANILA - Ginisa sa budget deliberation ng Subcommittee ng Senate Committee on Finance ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na humihirit ng mahigit P25.5 bilyon na budget para sa taong 2022.

Inusisa ni Senator Cynthia Villar ang panukalang pondo ng ahensiya para sa kanilang capital outlay at overhead cost na umaabot sa P17. 6 bilyon, o mahigit pa sa 50 porsiyento ng total budget ng DENR.

Sabi ni Villar, dapat ay hindi lalagpas sa kalahati ng kabuuang budget ng isang ahensiya ng gobyerno ang nailalaan para sa capital outlay.

Sa ulat ng DENR, lumalabas na maglalaan ito ng P9 bilyon para sa overhead cost ng kanilang mga tauhan o 38 porsiyento ng kanilang panukalang budget, P3 bilyon para sa maintenance and other operating expenses o MOOE, at P5.6 bilyon na capital outlay.

Paliwanag ni Villar, kung ganito ang latag ng pondo ng DENR, lumalabas na wala nang matitira para sa mga proyekto ng ahensiya.

“When you say capital outlay, it’s for the office, not for the project. Sinabi sa akin ng DBM, 50 percent should be for PS and MOEE and capital outlay for your overhead, and then 50 percent should go for projects," ani Villar.

"Kaya huwag mong sabihin na 17.5 ‘to kasi that is way beyond the 50 percent. Kasi minsan, ginugulo n'yo eh para malito kami. Ako, gusto ko lang malaman sa overhead n'yo, magkano yung ibibigay n'yong project sa mga tao."

Sagot naman ng ahensya, ang overhead ng ahensiya ay paglalaanan ng P4.8 bilyon.

“Madam Chair, ang talagang capital outlay lang po for overhead which consist of the building, office equipment is P4.8 bilyon (24 percent lang po of the total)” paliwanag nito.

Pero hindi ito kinagat ni Villar at sinabing kung masusunod ang panukalang budget ng DENR, halos walang nakalaang budget para sa mga proyekto ng ahensiya.

"Ngayon lang ako nakakita ng ganiyang office na almost 75 percent ang overhead. Fair ba yun? 75 percent of your money will go to your overhead and then 25 percent na lang sa project? Ano ba yun?"

"Hindi ba kayo naawa sa mga tao?… Sinasabi n'yo na very important ang resiliency, eh ba't 75 percent of your money ilalagay n'yo sa overhead?" ani Villar

Ayon sa senadora, matagal na niyang sinabihan ang DENR na ayusin ang kanilang mga programa at paglaanan ng ito pondo para hindi mahirap na ipaliwanag ang hirit na budget pagdating sa plenaryo.

Nais ng mambabatas na dalhin na lang ng DENR sa mga programa para sa protected areas ng bansa ang malaking bahagi ng pondo nito.

“Di ba, pinag-usapan na namin ni Secretary Cimatu na yung NGP (National Greening Program), dadalhin d'yan sa protected area para hindi na yan nakukuwestiyon ng Senate, kasi hindi nila malaman kung saan n'yo dinadala 'yang NGP na 'yan. So pinag-usapan namin ni Sec. Cimatu, para hindi tayo ma-question sa plenary, dalhin na lang yan sa protected area."

"Ang ibinigay ‘nyo lang sa protected area is P1.2 bilyon. Ang NGP n'yo rin eh P3.1 bilyon, na hindi n'yo dinala sa protected area. Eh, ayusin n'yo 'yan, kasi I cannot agree to that,” sabi ni Villar.

DENR BILANG PRODUCER NG LUMBER SA BANSA?

Kinuwestiyon din ng mga mambabatas ang isang programa ng DENR na mag-produce ng mga lumber para sa pangangailangan ng bansa.

Sabi ni DENR Sec. Roy Cimatu, bahagi ng National Greening Program ang pagpapataas sa pagtatanim ng mas maraming puno para sa pangangailangan ng bansa sa supply ng lumber.

“I also saw these issues, in this budget, nandito po yung aking thinking... The goal of NGP ay dalawa: first is to increase the forest cover, then the other is to produce our own lumber. Our own lumber requirement is about 5 million cubic meters per year. So kailangan mag-increase din tayo ng forest cover, mag-increase din tayo ng pagtatanim para sa lumber natin," aniya. 

Ayon kay Sen. Nancy Binay, hindi magandang marinig na ang DENR ang nasa likod pa ng pagbebenta ng mga lumber sa mga negosyante.

"Hindi maganda na naririnig from DENR na iniintindi nila yung pagbebenta ng lumber. Hindi ho ba dapat mas mag-concentrate tayo kung papaano madadagdagan yun forest cover natin to protect the protected areas, but not for business or to supply yung need for lumber?" dagdag pa niya.

Suhestiyon ni Villar, sa halip na puno ang gamiting mga lumber, mas makabubuti kung pagtatanim ng mga kawayan o bamboo ang pagtutuunan ng DENR.

"Ang DENR is for reforestation. They are not meant to be cut. They are meant to protect our land. That’s my idea. If I am a businessman, I will make my own plantation of lumber. Yung DENR, hindi n'yo dapat pinaka-cut yung bini-build na forest land. Bawal yun eh," sabi ni Villar.

Watch more on iWantTFC